TERTULYANG PAMPANITIKAN 2023
September 14, 2023
Ang buwan ng Abril ay Buwan ng Panitikang Filipino ito ay alinsunod sa Proklamasyon Bilang 968 na nilagdaan dating Pangulong Benigno Simeon Aquino III noong 2015. Itinatampok sa pagdiriwang na ito ang mga akdang pampanitikan na likha ng mga Pilipino, anumang wika sa bansa ito nakasulat, na may malaking kaugnayan sa kasaysayan at kalinangang Pilipino.
Taon-taon ay naghahandog ng Tertulyang Pampanitikan ang Komisyon sa Wikang Filipino bilang pakikiisa at pagpapahalaga sa pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan. Ito ay isinasagawa sa pamamagitan ng mga Sentro ng Wika at Kultura na nakabase sa iba’t ibang pamantasan sa Pilipinas. Ang tema ng pagdiriwang ngayong taon ay “Kultura ng Pagkakaisa: Pagsisiyasat ng Pagkakaisa sa Pamamagitan ng Panitikan” kaya ang Sentro ng Wika at Kultura ng Western Mindanao State University ay muling naghandog ng Tertulyang Pampanityikan 2023 noong 29 Abril 2023 sa pakikipagkolaborasyon ng Sentro ng Wika at Kultura ng Mindanao State University-Taw-Tawi College of Technology and Oceanography sa pakikipagtulungan ng Kolehiyo ng Edukasyon (MSU-TCTO) at Departamento ng Filipino (CLA-WMSU). Ang naging paksa ng tertulya ay “PANITIK(A)N: ANG BALINTATAW NG LUMIKHA AT NILIKHA” Ibinahagi ng mahusay na tagapanayam na si G. Nelson S. Dino, isang manunulat, guro at visual artist mula sa MSU-TCTO ang kanyang karanasan bilang isang matagumpay na manunulat ng mga akdang rehiyonal ang tungkol sa folk narratives ng mga Tausug na tinatawag na KISSA. Ito ay isinagawa via zoom at facebook live na dinaluhan ng humigit kumulang 200 kalahok mula sa lungsod Zamboanga at Tawi-Tawi. Nagsimula ang webinar sa ganap na ika-1:00 n.h. sa pamamagitan ng mensaheng inspirasyonal mula kina Dr. Ma. Carla A. Ochotorena, pangulo ng WMSU na kinatawan ni Dr. Berhana I. Flores chief of staff ng pangulo, ang tsanselor ng MSU-TCTO na si Dr. Mary Joyce Z. Guinto-Sali, at ang Tserman ng Komisyon sa Wikang Filipino Dr. Arthur P. Cassanova. Nakiisa rin sa pagdiriwang ang dekana ng Kolehiyo ng Edukasyon (MSU-TCTO) na si Prop. Fauzia Sali-Latif, ang tagapangulo ng Departamento ng Filipino Dr. Vilma L. Pahulaya at mga guro at mag-aaral ng Departamento ng Filipino WMSU at MSU-TCTO. Matagumpay na natapos ang programa sa ganap na ika-5:00 n.h. bitbit ang mga bagong karunungan tungkol sa tungkulin at kahalagahan ng panitikan sa bawat mamamayang Pilipino.