Katuwang ang Sentro ng Wika at Kultura at WMSU Ethnographic Museum, ang gawaing ekstensiyon ay nagsimula noong buwan ng Disyembre 2022. Sa pakikipagkoordineyt sa pangulo ng Western Mindanao State University, Dr. Ma. Carla A. Ochotorena at Punong Barangay ng Sta. Maria, Hon. Los Eli B. Angeles, noong Enero 18, 2023 ay itinakda ang araw para sa paglalagda ng Memorandum ng Kasunduan na siyang isang napakagandang simula para sa gawaing ito. Ang napagpasyahang lugar na pinaglingkuran ay ang Villa, Sta. Maria. Isang remote area na kinaroroonan ng mga kuwalipikadong kalahok. Marso 4, 2023 nang magsimula ang paglilingkod sa mga residente. Ang mga guro ay hinati sa dalawang pangkat. Tinuruan ng unang pangkat ang mga bata ng basic reading skills, numeracy, at pakikinig sa mga kuwentong pambata sa tulong ng mga kagamitang panturo na projector, plaskard, mga larawan, at mga downloaded children’s story. Ang mga Out of School Youth at iba pang residente naman ay sinimulang turuan ng ikalawang pangkat ng kasanayan sa pagsasalita ng wikang Filipino sa tulong ng mga aklat sa gramatikang Filipino na pinagbatayan ng leksiyong ituturo.
Isa pa sa nagawa ng serbisyong ito ay ang pagsasalin ng mga sertipiko at katibayan ang pangkat ng mga mananalin mula Ingles tungong Filipino at Chabacano na naganap noong ika-12 ng Abril 2023. Ang mga nasabing sertipiko ay gagamitin upang maipagkaloob sa mga residenteng nangangailangan nito na may bersyong Filipino at Chabacano.
Lubos na nakaaantig ng puso ang makitang may naidulot na pagbabago sa iba ang isang gawaing bunga ng kaisipang nabuo ng isang mabuting samahan. Bagama’t naantala nitong buwan ng Mayo ang serbisyong ekstensiyon dulot ng ipinagagawang silid na pagdarausan ng pagtuturo, tinitiyak ng buong departmento na ang mahabang pagitan na ito ay magagamit sa paghahanda ng mga guro sa mga kagamitang pampagtuturo upang makamit ang layuning magkaroon ng mabisang pagtuturo at pagkatuto.
Mahalagang matutuhan ng bawat isa na walang hihigit pa sa pagbabahagi ng kaalaman at pag-aabot ng tulong sa ating kapwa. Sapagkat ang tunay na pagmamalasakit sa iba ay pagiging bukas-palad sa mga taong nangangailangan. Ang karanasang ito ay isang kayamanan para sa Departmento ng Filipino, Sentro ng Wikat at Kultura at WMSU Ethnographic Museum.