Ni: Nadhia M. Muadjin
Ang Sentro ng Wika at Kultura na nakabase sa Western mindanao State University ay muling pinagkalooban ng Komisyon sa Wikang Filipino ng gawad SELYO NG KAHUSAYAN SA WIKA AT KULTURA 2022. Ang parangal na ito ay ipinagkakaloob sa mga SWK na nagpamalas ng husay at galing sa pagsasagawa ng mga proyekto ng KWF ng suporta sa mga adhikain at layuning pangwika at pangkultura. Dahil sa lpinamalas na kahanga-hangang gawaing pangwika’t kultura ng SWK -WMSU sa loob ng ilang taon kinilala ng KWF ang WMSU bilang isa sa mga nararapat na bigyang parangal sa Selyo ng Kahusayan.
Ang gawad ay dinaluhan nina Dr. Aubrey F. Reyes ang masigasig na direktor ng SWK-WMSU at Dr. Vilma L. pahulaya ang tserperson ng Departamento ng Filipino noong Ika-30 ng Agosto, 2022 sa Hotel Lucky Chinatown, Grand Ballroom, Binondo, Maynila.
Tunay ngang ang tagumpay ay dumarating lamang sa mga patuloy na naniniwala at nagsusumikap. Ngunit ang tagumpay na ito ay hindi tanging para sa SWK lamang, bagkus ay isa ring maipagmamalaking karangalan para sa Departmento ng Filipino, Kolehiyo ng Malalayang Sining at lalong-lalo na sa buong Western Mindanao State University na walang-sawang nagbigay ng buong tiwala at suporta sa SWK.
“Mga maliliit na susing nagbubukas ng malalaking pinto – ay maliliit na hakbang na humahantong sa magagandang tagumpay” Ang pagtamo ng kahusayan ay hindi isang madaling proseso, ngunit tunay na posible kung pinagsisikapan at lubos na pinaghihirapan. Ito ang pinatunayan ng Sentro ng Wika at Kultura ng WMSU ngayong 2022.
Mabuhay ang Filipino!