KAUNA-UNAHANG SEND-OFF CEREMONY NG MGA MAG-AARAL NG BS-FIL 4 BATCH 2023
June 5, 2023

 

Noong ika-21 ng Enero, 2023 ay nagkaroon ng Send-off Ceremony ang mga mag-aaral na nasa ikaapat na taon ng Batsilyer ng Sining sa Filipino. Ito ay naganap sa social hall ng Kolehiyo ng Edukasyong Pangguro ng Pampamahalaang Unibersidad ng Kanlurang Mindanao. Makasaysayan ang seremonya dahil ito ang kauna-unahang Send-off Ceremony ng nasabing kurso simula nang itatag ito noong 1992. Hudyat ang gawaing ito na magsisimula na ang kanilang praktikum upang maging isang guro, tagasalin, mananaliksik, kritiko, mamamahayag, manunulat at maging clerk sa hinaharap. Labis na namutawi ang tuwa at galak ng mga mag-aaral sapagkat matapos ang ilang taong pagsusumikap, sa wakas ay narating din nila ang huling yugto ng kanilang pag-aaral.

“Tunay kong naramdaman ang kasiyahan sa aking puso sapagkat nakita ko ang buong suporta ng departamento.”
“Masaya sapagkat nakaabot ako sa yugtong ito matapos maranasan ang mabibigat at nakasusukong mga sitwasyon sa personal kong buhay.”
“Halo-halong emosyon ang naramdaman ko, masaya dahil ako ay nakaabot sa panibagong yugto bilang mag-aaral gayon din ay kinakabahan dahil ako ay malalantad sa panibagong hamon na may malawak na oportunidad.”

Ilan lamang ito sa mga pahayag na namutawi sa bibig ng mga Filjors pagkatapos ang seremonya. Hindi lamang ang mga mag-aaral ang nakaramdam ng labis na tuwa sa naganap na seremonya kundi, makikita rin ang kagalakan sa mga mukha ng mga propesor ng Departamento ng Filipino at higit sa lahat sa kanilang mga magulang.