Buwan ng Wikang Pambansa 2022
June 5, 2023

Nina Nadhia M. Muadjin at Leilani G. Manuel

Ang Buwan ng Agosto sa Pampamahalaang Unibersidad ng Kanlurang Mindanao ay patunay na buhay ang wikang pambansa at mga wikang katutubo kasama ang mga bumubuo sa pamantasan na nagtataguyod at nagpapalakas nito.

“Filipino at mga Katutubong Wika: Kasangkapan sa Pagtuklas at Paglikha” ang tema ng Buwan ng Wika ngayong Agosto, 2022 na naging daan sa pangunguna at pagdadaos ng WMSU ng mga gawaing pangwika na nagbuklod sa buong komunidad ng Pamantasan.

Sa unang araw ng Agosto ay sinalubong ng isang makabuluhang palatuntunan ang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa. Idinaos ito sa WMSU Covered Court kasama ang mga magigiting na guro at empleado ng Unibersidad. Pinangunahan ito ng Sentro ng Wika at Kultura, Departamento ng Filipino at Kapisanang Filipino. Kabilang din dito si Dr. Teresita Narvaez, Vice President for Research Extension Services & External Linkages, Dr. Fredelino M. San Juan OIC Vice President for Resource Generation, ang WMSU Faculty Regent President Dr. Adrian P. Semorlan at Dr. Julieta B. Tendero, dekana ng Malalayang Sining.

Nagsimula ang programa sa pamamagitan ng isang flag raising ceremony. Pinangunahan ng WMSU Grand Chorale ang mga Doksolohiya, Pambansang Awit at Zamboanga Hermosa. Nagpakita rin ng natatanging kahusayan ang WMSU Jambangan Dance Troupe para sa intermisyong bilang at ang pagpapamalas ng talento sa pag-awit ng dalawang mag-aaral mula sa Batsilyer ng Sining sa Filipino (BS Fil). Inanunsyo rin sa programa ang mga patimpalak na lalahukan ng mga mag-aaral na naglayong ipaalala at ipadama sa bawat isa ang kadakilaan ng isang Filipino at pagpapahalaga sa ating sariling wika.

Kaya naman buong pusong inihandog ang mga sumusunod na patimpalak na nahahati sa dalawang kategorya:

1. Patimpalak sa Online
✓ Ginoo at Binibining Buwan ng Wikang Pambansa 2022
✓ Paligsahan sa Tiktok
✓ Paligsahan sa Paggawa ng Digital Poster
✓ Paligsahan sa Pagbuo ng Slogan

2. Literary Competition
✓ Dagliang Talumpati
✓ Masining na Pagkukuwento
✓ Pagsulat ng Sanaysay

3. Pista sa Nayon

Tiyak na walang nagpahuli sa online competition kung pagiging malikhain lamang ang pag-uusapan. Suot ng mga kalahok sa Ginoo at Binibining Buwan ng Wikang Pambansa 2022 ang kanilang makukulay at makahuluhang pananamit na nagpapakita ng kagandahan ng Kulturang Filipino. Gayundin sa paligsahan sa tiktok, na sinamahan ng kanilang pagiging malikhain sa paggamit ng musika bilang instrumento ng pagpapalakas ng pagmamahal sa sariling bayan. Hindi rin nagpahuli ang mga guhit at salitang naglalayong magbuklod sa mamamayang Filipino sa pamamagitan ng mga paligsahan sa Digital Poster at Digital Slogan. Ang lahat ng entry ay mula sa mga mag-aaral sa iba’t ibang kurso at ito ay ipinaskil sa Official Facebook page ng Departmento ng Filipino (Departmento ng Filipino, CLA WMSU Official) na dinumog ng likes, reactions at shares ng mga netizens na isa rin sa mga naging pamantayan sa pagpili ng mga nagwagi.

Labis namang nagpamalas ng galing at talino ang mga mag-aaral ng Batsilyer sa Sekundaryang Edukasyon (BSEd) at Batsilyer ng Sining sa Filipino (BS Fil) para sa Literary Competition noong ika-23 ng Agosto, 2022. Ito ay matagumpay na idinaos sa WMSU-CTE Social Hall. Sa ganap na 8:00 ng umaga ay nagsipagdatingan ang mga guro at ibang panauhin na nagbigay ng kanilang buong suporta at tiwala sa bawat kalahok. Nagsimula ang patimpalak sa Dagliang Talumpati na sinundan ng Masining na Pagkukuwento. Nagkaroon din ng awiting intermisyong bilang na tiyak na nakaantig ng damdamin ng bawat panauhin. Nagtapos ang palatuntunan sa umaga sa pagkilala sa mga nagwagi. Sa hapon naman idinaos ang paligsahan sa pagsulat ng sanaysay sa Kolehiyo ng Malalayang Sining CLA 13 at 14.

“Ang paggalang at pagmamahal sa wika, ay paggalang at pagmamahal sa sarili.” Isa naman ito sa di-malilimutang pahayag na mula sa mensahe ni Dr. Nursia M. Barjose, Pangalawang Pangulo para sa pang-akademikong mga gawain ng WMSU. Bukod sa mga patimpalak, ay taos puso ring inihandog ang Tertulyang Pangwika 2022. Isang libreng webinar hindi lamang para sa mga guro’t mag-aaral ng WMSU, kundi maging para sa iba’t ibang kalahok mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas. Matagumpay itong idinaos sa pangunguna ni Dr. Aubrey F. Reyes, Direktor ng Sentro ng Wika at Kultura at Dr. Vilma L. Pahulaya, Tagapangulo ng Departamento ng Filipino. Ang tertulyang ito ay binubuo ng apat na tagapagsalitang mahusay na tinalakay ang kani-kanilang pananaliksik. Kabilang na rito si Dr. Janet C. Solis, Fakulti ng Departmento ng Filipino (ZPPSU) na may pananaliksik tungkol sa “Konsepto ng Kalluman sa pananaw ng mga Badjao sa Lungsod Zamboanga”, Gng. Edilyn Jainal, MAED Fakulti ng Departmento ng Filipino (WMSU) na may pananaliksik tungkol sa “Ang Pagtiyaun sa Perspektibo ng mga Tausug: Tradisyunal vs. Makabago” at mga mag-aaral ng BSED Filipino bilang tagapagsalita ng kani-kanilang pangkat na sina Bb. Abegail T. Bantad na may pananaliksik tungkol sa “Konsepto ng Takot sa Pagdidisiplina sa mga Piling kuwentong bayan ng mga Bisaya” at May Ann Y. Amores na may pananaliksik tungkol sa “Pagsusuri sa mga Pormal, Di-Pormal at Yufemismong Katawagan sa mga Piling Salitang Chabacanong Pantahanan”. Ang Tertulyang ito ay isang indikasyon na gamit ang pananaliksik ay mapananatili at mapayayaman natin ang mga wikang katutubo at kulturang Filipino.

Ang palatuntunan at patimpalak na ito ay patunay na nangunguna at nakikiisa ang Unibersidad kasama ang Sentro ng Wika at Kultura, Kolehiyo ng Malalayang Sining, Departamento ng Filipino at Kapisanang Filipino sa pagtataguyod ng mga programa ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) upang maipalaganap sa higit na nakararaming mamamayan ang kamalayan sa pagdiriwang at kahalagahan ng Wikang Filipino at mga Katutubong Wika. Ani nga ni Dr. Arthur P. Cassanova, tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino, “Kaakibat ng paglinang ng wikang Filipino ang pagpapalaganap at preserbasyon ng mga katutubong wika” dagdag pa niya, “Gawin nating makahulugan at makabuluhan ang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa!”

Ang matagumpay na pagsalubong sa pagdiriwang sa Buwan ng Wika ngayong taon ay isang indikasyon ng patuloy na pagbabantayog, pagpapalaganap, at pagpapaunlad ng Filipino at iba pang mga wika sa Pilipinas. Ito ay taunang ipinagdiriwang tuwing Agosto kung saan ginaganap ang mga gawin patungkol sa wika, katutubong wika, at kultrang Filipino.

Sa huling araw ng buwan, sa ganap na 10:00 ng umaga ay nagsalo-salo ang mga guro mula sa Departamento ng Filipino, iilang mga panauhin, at mga kalahok na mga mag-aaral mula sa Batsilyer ng Sining sa Filipino (BS Filipino) at Batsilyer sa Sekundaryang Edukasyon sa larangan ng Filipino (BSEd Filipino) sa pagdiriwang ng Pista sa Nayon sa Kolehiyo ng Malalayang Sining (CLA Kiosk). Ito ang huling patimpalak bago ipagdaos ang Pampinid na Palatuntunan sa ganap sa 1:00 ng hapon sa parehong araw. Ibinida ang mga pagkain mula sa iba’t ibang katutubong lahi sa Pilipinas katulad na lamag ng Pinakbet ng mga Ilokano, Tiyula Itum ng mga Tausug, Binangkal ng mga Bisaya, lumpia, turon, empanada, puto at kutsinta, daral, bibingka, pancit guisado, kapeng barako, chicharon at marami pang iba. Itinampok din ang mga makukulay at naggagandahang katutubong kasuotan na nagpapakita ng pagkakakilanlan ng kultura na mayroon ang mga Filipino. Bukod dito ay ipinamalas din ng mga kalahok ang kanilang talento sa pag-awit at pagsayaw bilang pagsalubong sa mga panauhin at mga hurado. Ito man ay maituturing na isang paligsahan sa pagitan nila, hindi pa rin nawala ang pagkakaisa at pagbibigayan.

Bilang pagsasara sa matagumpay na pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2022, Idinaos ang Pampinid na Palatuntunan sa Juanito Bruno Gymnasium kasama ang mga magigiting na mga guro ng Departamento ng Filipino at iilang mga panauhin, kabilang na rito ang Dekano ng Malalayang Sining na si Dr. Julieta B. Tendero.

Nagsimula ang programa sa Doksolohiya na sinundan ng Pambansang Awit at Zamboanga Hermosa sa pamamagitan ng isang multimedia presentation. Sinundan ito ng pambungad na pananalita ng WMSU Fakulti Regent na si Dr. Adrian P. Semorlan. Nagpamalas din ng husay at galing sa Spoken Word Poetry para sa kanilang intermisyon bilang ang mga mag-aaral mula sa Batsilyer ng Sining sa Filipino (BS Filipino).

Bilang katibayan ng pagkilala, sa tulong ng Direktor ng Sentro ng Wika at Kultura na si Dr, Aubrey F. Reyes at tagapangulo ng Departamento ng Filipino na si Dr. Vilma L. Pahulaya ay iginawad ang mga sertipiko ng pagpapahalaga sa mga tagapagsalita sa ginanap na Tertulyang Pangwika na sina Dr. Janet C. Solis, Gng. Edilyn A. Jainal, at mga mag-aaral mula sa Kolehiyo ng Edukasyong Pangguro na sina Abegail T. Bantad, Katrina N. Flores, Zarah Mary T. Singco, Crystal Jane C. Solis, Richelle A, Quinday, May Ann Y. Amores, Chris Mae O. Atilano, Cherry Mae D. Dela Serna, Angelica N. Landero, at Christel C. Laylay.

Ipinakilala naman ni Ass. Prof. Ednalyn D. Cadapan ang mga nagpipitagang hurado para sa mga naganap na patimpalak sa literary at online. Ito ay sina Dr. Almira E. Nochefranca, Dr. Benhur A. Asid, at Bb. Ethel Grace F. Mohammad. Kasabay nito ay ang paggawad ng sertipiko bilang pagkilala para sa kanila sa tulong ni Dr, Julieta B. Tendero, Dekano ng Kolehiyo ng Malalayang Sining.

Isa sa mga inaabangan ng lahat ay ang anunsyo ng mga kalahok na nagwagi. Sa tulong nina Ass. Prof. Jane O. Villacin at Gng Rhea L. Mendoza, mga tagapayo ng Kapisanan ng Filipino. Iginawad ang sertipiko ng pagkilala sa mga sumusunod:

1. Patimpalak sa Literary
 Masining na Pagkukuwento – April Kyle N. Camaño (BSEd 2B)
 Dagliang Talumpati – Khaizar Arpa Hussin (BS Fil 4)
 Pagsulat ng Sanaysay – Nor-ana S. Samsawi (BS Fil 3)
2. Patimpalak sa Online
 Digital Poster – Bernadine Rogador (BS Fil 3)
 Digital Slogan – Lorie Gay A. Bernardo (BS Fil 3)
 Tiktok Challenge – Fher-Yneza Masahud (BA Broadcasting 2A)
3. Pista sa Nayon – Kalahok bilang 5 (BS Fil 3)
Talaga namang maririnig ang hiyawan at suporta ng mga manonood noong dumating na ang oras para ianunsyo ang mga nagwagi sa Bb at Ginoong Buwan ng Wika. Bukod pa rito ay nagkaroon muna sila ng presentasyon ng kanilang katutubong kasuotan. Ngunit gaya ng ibang patimpalak ay mayroong bukod tanging nakakuha ng interes ng mga hurado. Ang itinanghal na Binibini at Ginoong Buwan ng Wika ay walang iba kundi sina Bb. Icel D. Ibañez at G. Richmond Kent Sumayang.

Sa huli ay matagumpay na naipagdiriwang ng Pampamahalaang Unibersidad ng Kanlurang Mindanao, kasama ang Sentro ng Wika at Kultura, Kolehiyo ng Malalayang Sining, Departamento ng Filipino kaagapay ang Kapisanan ng Filipino ang Buwan ng Wikang Pambansa para sa taong 2022. Hindi tulad ng mga nakaraang taon kung saan ang mga gawain sa pagdiriwang ay isinagawa sa online platform bilang pagtugon at pagtalima sa pangkalusugan at kaligtasan hindi lamang ng mga guro at mag-aaral, kundi ng buong bansa. Kaya naman walang pasidlan ang kagalakan na makita ang mga kabataan na nakilahok sa mga patimpalak na isinagawa para sa kanila. Siyang masasabi na ang buwang ito ay buwan din ng pagmamahal, pagbubunyi, at pagmamalaki sa katatagan ng Filipino na nawa’y magsilbing balik-tanaw sa kadakilaan at pagkakaisa ng mga Filipino at ng mga Wikang Katutubo.